Tuesday, March 18, 2008

Bukod sa Pagiging Guro ni Titser - Isang Tanaw sa Pagsisikap ni Sir at Mam

Thesis Statement: Baluktot na pamamalakad ng ahensiya ng gobyerno sa edukasyon na humahantong sa paghihirap ng mga guro sa Pilipinas.

I. Introduksiyon ng Pag-aaral

A. Introduksyon/Paglalahad ng Suliranin

Sa pag-aaral na ito ay tuwirang sinuri ang mga papel na ginagampanan at ang kalagayan ng mga pampublikong guro partikular na sa Kamaynilaan sa bansang Pilipinas. Kahindik-hindik marahil ang naging pagtrato ng pamahalaan sa mga pampublikong guro dahilan kung bakit sa ngayon ay marami na sa kanila ang demoralisado, nagdarahop sa pamumuhay at nababaon sa utang. Ito ang nagdulot at nagtulak sa kanila upang mawalan ng sigla sa pagtuturo, maghanap ng iba pang mapagkakakitaan, magwalang-bahala sa tungkulin at mangibang-bayan na lamang.

Sa pag-aaral na ito, sisikaping sagutin ang mga sumusunod na katanungan:

1. Anu-ano nga ba ang mga papel na ginagampanan ng mga pampublikong guro sa bawat lipunan?
2. Sa anong mga paraan maipapakita ang lubusang pang-aapi sa mga pampublikong guro?
3. Anu-ano ang mga naging alternatibong gawain ng mga guro upang umangat ang kanilang kukurampot na suweldo?
4. Ano ang mga naging epekto sa estudyante at sa kalidad ng
edukasyon mula sa gurong nagsa-sideline ng malayo sa kanilang
propesyon?


B. Layunin at Kahalagahan ng Pag-aaral

Layunin ng pag-aaral na ito na ipakita ang tunay na kahalagahan ng mga pampublikong guro sa ating lipunan. Lubos na pinaninindigan ng pag-aaral na ito, na ang pagtuturo ay isang marangal at dakilang propesyon na marapat suklian nang mataas na pagpapahalaga mula sa mga mamamayan at sa gobyerno. Layunin rin ng pananaliksik na ito na tuwirang mabuksan ang isipan ng mga mambabasa sa realidad na malaki ang kinalaman ng edukasyon sa pagsulong at pag-unlad ng buong bansa. Sa mga kamay ng guro, lubusang mahuhubog ang kinabukasan ng bawat mamamayang Pilipino na siyang makapagdudulot ng pag-unlad.
Ang mga kinauukulan ay tuwirang nagkaroon ng pagpapabaya sa edukasyon na siyang nagresulta sa pagbagsak ng kalidad ng edukasyong pampubliko sa bansa. Masasabing malaking salik ang mga guro sa paghahatid ng mahusay na edukasyon para sa mamamayan.
Sa pananaliksik na ito, lubos na pinagtuunang pansin ang aping kalagayan ng mga guro sa ating bansa. Tunay ngang unti-unting nawawala ang dating kinang at kadakilaan ng propesyon ng mga guro sa ngayon. Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito, layunin nitong makatulong sa pagbibigay ng importansya sa mga guro sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na badyet para sa kanilang sahod, disenteng pamumuhay at karapatan nang sa gayon ay tuwirang mapanunumbalik ang kanilang inaasam na dignidad bilang isang guro.
At higit sa lahat, ito ay isinagawa upang makapagdagdag sa malawakang realisasyon ng mga mamamayang Pilipino, partikular na sa mga taong hindi tuwirang bukas ang isipan, sa tunay na estado ng pamumuhay ng nakararaming Pilipino, partikular sa mga pampublikong guro ng Kamaynilaan.


C. Saklaw at Limitasyon ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay ukol sa pagsusuri ng realidad sa kung ano nga ba talaga ang pang-araw-araw na pasakit ng mga pInsert non-formatted text hereampublikong guro sa Kamaynilaan bukod pa sa propesyong kinabibilangan nila sa taong 2007-2008.
Sa pag-aaral na ito, saklaw din ang mga papel na ginagampanan ng mga pampublikong guro sa paghubog sa mga estudyante ng isang lipunan. Sakop din ng pananaliksik na ito ang maling paglalaan ng gobyerno sa pangkalahatang badyet ng bansa. Batid ng bansa na tuwirang may kakulangan sa antas ng edukasyon; subalit, hindi pa rin pinagtutuunang pansin ang paglalaan ng sapat na badyet para rito.
Isinagawa ang pag-aaral sa tulong ng isang panayam sa mag-asawang guro na sina G. Rodolfo at Gng. Ana Camba na nakatira sa #1839 Katimugan St. Karangalan Village, Manggahan, Pasig City. Sila ay kapwa nagtuturo sa Rizal High School Manggahan, sa ilalim ni Mayor Bobby Eusebio. Karagdag nito, ang isang sarbey ay isinagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga sarbey form sa mga pampublikong guro sa Kamaynilaan upang makakuha ng datos ukol sa kung bakit nagkakaroon ng iba pang trabaho ang mga pampublikong gurong ito na tuwirang malayo sa kanilang propesyon.

D. Kaugnay na Pag-aaral

http://www.gov.ph/forum/thread.asp?rootID=5026&catID=6

http://pinoyteachersnetwork.blog-city.com/pagpupugay_sa_mga_guro_ng_bayan.htm




II. Buhay ng mga Pampublikong Guro sa Kamaynilaan

Bakit kaya mayroon pa ring mga taong kahit alam na nilang mahirap ang kita sa propesyon o anumang pinagkukunan ng ikabubuhay, ay tuloy pa din ang pagtitiyaga para sa trabahong kinabibilangan?
Isang magandang halimbawa na nga rito ang pagiging isang guro. Maraming mga magulang ang tutol sa pangarap ng mga anak nilang nais maging isang guro. Dahil ayon sa kanila, bukod sa kakarampot na ang kita, mahihirapan pa sila ng labis, hindi lang sa pisikal, kundi kabilang na din ang emosyonal at intelektwal na aspekto ng pagkatao nila. Maaari pa ngang maapektuhan pati ang buhay pag-ibig dahil sa dami ng ginagawa sa ganitong trabaho. Isa pang maaapektuhan ay ang kanyang oras; para sa pag-ibig, pamilya, kaibigan at sa sarili.
Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy pa din naman ang pagsusumikap ng mga gurong ito. Marahil ay nasa puso na nila ang pagtuturo at ang pusong makabayan. Ayon nga sa sinabi ni Dr. Jose Rizal, “Ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan.”, marahil ay hangarin nilang hubugin ang mga kabataang estudyante nila sa mabuting paraan bilang mga mabubuting mamamayan ng Pilipinas.



A. Guro: Bilang Marangal at Dakilang Propesyon

Ang pagtuturo ay isang marangal at dakilang propesyon na marapat lamang suklian nang mataas na pagpapahalaga mula sa mga mamamayan at sa gobyerno.
Ang guro ay ang mga indibidwal na siyang humuhubog sa ating kaisipan at kaalaman na tuwirang nagbibigay ng paraan upang tayo ay maka-usbong sa ating pamumuhay. Masasabing malaking salik ang mga guro sa paghahatid ng mahusay na edukasyon para sa mamamayan. Ngunit, bago makamit ang mataas na kalidad ng edukasyon, marapat lamang na bigyan ng malaking pagpapahalaga ang mga guro sa mga pampublikong paaralan. Sapagkat, sila marahil ang maituturing na may pinakamalaking kontribusyon sa paghubog ng mga indibidwal sa ating bansa.
Kung iisipin, karamihan ng mga propesyonal sa taong 2007-2008 ay sa pampublikong paaralan lamang nagtapos ng pag-aaral (Suarez, 2008). Ngunit, hindi ito naging hadlang sa paghahatid nang mataas na kalidad ng serbisyo.
Bilang isang guro, tungkulin nilang ibahagi nang kanilang sariling kaalaman sa kanilang mga estudyante mula sa kanilang natatanging karanasan sa pag-aaral at pagtuturo. Sa ganitong paraan nagkakaroon ng ideya ang kanilang mga mag-aaral sa kung papaano magpapatuloy sa kanilang paglalakbay sa buhay. Sila’y malaking salik lalo na sa pagdating ng panahon na sila’y may kani-kanilang landas na patutunguhan na.
Tunay ngang ang guro ang siyang dakilang armas sa pagtamo ng karunungan tungo sa ikabubuti ng bansang Pilipinas. Tanging guro na ibinuhos ang lahat ng kaalaman sa paggawa ng mga leksyon ang siyang natatanging bayani ng lahi. Natatangi sila sapagkat sila’y dakila pa sa mga dakilang personalidad, sapagkat kung hindi dahil sa kanila ay wala rin marahil ang mga dakilang personalidad na nailathala sa mga libro. Tanging ang sariling dignidad ang tuwirang siyang nagtutulak sa mga pampublikong guro sa Kamaynilaan upang ipagpatuloy ang layuning ipamahagi ang karunungan para sa lahat.



B. Aping Kalagayan ng mga Pampublikong Guro

Napakahirap ng trabaho ng isang guro, sila ang tila gumagabay at nagiging susi ng tagumpay ng bawat tao. Nakakaawa ang kalagayan ng mga pampublikong guro sa ngayon dahil ang sweldo ng isang ordinaryong pampublikong guro ay hindi sapat sa pang araw-araw na gastusin at pang supporta sa pamilya. Kadalasan sa mga pampublikong paaralan, nagaabono pa ang mga titsers dahil sa kulang na binibigay na sustento na hindi kayang matugunan ng kanilang mga magulang at ng gobyerno. Nakakalungkot din ang kalagayan ng mga guro dahil malaki ang binabawas ng gobyerno sa kanilang mga sahod, Halos PhP 3,000 o higit pa ang nababawas sa isang guro para sa mga taxes, health benefits at marami pang iba na minsan hindi rin naman nakukuha ang lahat ng benepisyo. Kadalasan naman ang mga taxes na binabayad sa gobyerno ay napupunta halos sa mga abusadong opisyal ng pamahalaan. Nakakaawa din ang sapilitang pagtratrabaho ng mga titsers sa oras ng eleksyon na hindi nabibigyan ng sapat na kompensasyon, kadalasan pa nga ay napagbibintangan pa ang mga guro na nagmamanipula sa bilangan sa eleksyon kaya’t minsan nawawala na ng gana ang mga guro na magsilbi tuwing eleksyon. Binibigyan din ng mabigat na responsibilidad ang mga pampublikong guro na kumuha ng census ng reaksyunaryong gobyerno. Dapat ay bigyan din ng pamahalaaan ang mga guro ng tamang benepisyo na dapat nilang makuha, masyado nang mahirap ang kalagayan ng guro ngayon, bumababa pa ang pagtingin ng mga tao sa kanila at hindi iyon nararapat na matanggap ng mga guro imbis respeto at pagsaludo natin sa mga tunay na bayani ng ating buhay.
Sa pananaliksik na ito, nagsagawa ang isang grupo ng sarbey sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga sarbey form sa 50 kataong pampublikong guro sa kamaynilaan. Ang graph ay nagpapakita ng :


file:///C:/DOCUME~1/noypi/LOCALS~1/Temp/WordWebPagePreview/grap.htm


III. Alternatibong Gawain ng mga Guro Upang Umangat ang Kanilang Kakarampot na Suweldo

Sa kakarampot na kinikita ng isang guro, hindi maiiwasan ang paghahanap ng iba pang alternatibong pagkukunan ng ikabubuhay para maitaguyod ang mga sinusuportahan nila. Gaya ng iba pang mga tao sa ilalim ng iba pang mga propesyon, gumagawa sila ng paraan upang kumita ng sabay sa pagtuturo nila, sa ibang paraan.
Sagot sa suliranin ng mga mamamayang ito ay ang pagtitinda. Mayroong dalawang uri nito: legal at ilegal na pagtitinda.
Ang legal na pagtitinda ay nahahati din sa dalawa. Una dito ay ang panloob na pagtitinda at ang ikalawa naman ay ang panlabas. Sa panloob na legal na pagtitinda, ang isang guro ay maaaring magtida ng kahit anung legal na mga produkto sa loob ng iskwelahan mismo, ng klase o silid-aralan at “faculty room”, ng hindi sapilitan. Siya ay maaari lamang mag-endorso ukol sa kanyang itinitinda para lamang sa kaalaman ng mga tao sa paligid niya nang hindi namimilit, lalo na sa mga estudyante niya. Mayroon ding nangyayaring mga sapilitang bentahan sa mga estudyante kapalit ng pagkakaroon nang mataas na grado. Minsan pa nga’y nagagawa nilang manakot (“black mail”) para lamang makapagbenta. Dahil dito, ang kaawa-awang estudyante ay napipilitang bumili upang mapagtakpan lamang ang mga gawaing mali sa paaralan.
Pagkatapos ng kanyang iskedyul ay maaari din siyang magtinda sa loob ng iskwelahan. Maaaring may pwesto siya sa “canteen”, o pwesto ng tindahan ng meryenda, maaari ding school supplies, mga direct selling tulad ng mga "Avon products”, at iba pa.
Sa panlabas na uri naman, maaari siyang magtinda pagkatapos ng pagiging guro para sa araw na iyon. Pagkatapos ng mga naka-iskedyul na klase, maaaring magtinda siya sa tapat ng bahay nila, kalapit bahay o maaaring mayroon siyang sariling pwesto depende sa kanyang “sideline.” Walang limitasyon sa mga maaari niyang itinda basta legal ang mga produkto.
Ikalawa, ang ilegal o “sapilitang” pagtitinda. Mula sa salita mismo, ay yaong pagtitinda ng sapilitan o pwersahan. Tulad nga ng nabanggit kanina, may mga pagkakataong nananakot o naghahanap ng paraan ang mga guro sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang posisyon. Isa pang punto dito ay dapat lang na hindi rin literal na ilegal ang mga produkto nila. Ang mga droga, mga ilegal na pills, mga iba pang bawal na gamot at medikasyon, at iba pang hindi maganda sa kalusugan ay ilan sa mga ito.
Ang pagtuturo sa iba pang iskwelahan ay isa ding solusyon na ginagamit nila sa ganitong suliranin. Kailangan lang niyang isaayos ang kanyang iskedyul para walang maabalang klase. Dapat din na alam ng dalawang institusyong kinabibilangan niya ang ukol sa paraan niyang ito upang makaalpas sa kahirapan.
Isa pang karaniwang statehiya ay ang pagkakaroon ng isa pang trabaho na walang kinalaman sa pagiging guro. Ang pagiging negosyante ay isa na rito. Ngunit mas maipaliliwanag ang ganitong sitwasyon ng mga trabahong malayo ang kaugnayan sa kanyang napag-aralan. Maraming mga trabaho sa kasalukuyan ang tinatanggap nating mga Pilipino bilang mga “in demand”. Kahit na may mga ilan na nakapampababa ng pagkatao nila bilang mga guro, ang ilan ay “lunok-pride” na lamang at patuloy sa pagkakayod. Halimbawa ng mga ito ay pagiging “call center agent“, pagiging “saleslady” sa isang mall, “transcriptionist”, at iba pa. Ang mga lalaking guro pa nga ay nagtitiyagang maging “construction worker” at gwardiya na lamang.
Mayroong isang istoryang nakalap para sa sulating ito kaugnay sa isyung pagkakaroon ng mga trabahong hindi angkop sa tunay na propesyon. Ito ay ukol sa masalimoot na buhay ng mag-asawang guro na sina G. Rodolfo at Gng. Ana Camba. Halos sampung taon na silang kapwa mga guro. Kahit gaano kahirap ang buhay bilang mga guro ay patuloy pa rin sila sa kanilang mga mithiin. Sa anak nilang pito, hindi talaga sapat ang kanilang kinikita. Kaya humanap sila ng iba’t ibang paraan maigapang lang ang kanilang buhay kabilang na ang pag-aaral ng mga anak nila.
Si Aling Ana ay nagtitinda ng mga ulam at meryenda na siyang tinitinda niya sa mga kapitbahay niya at kasamahang guro. Katulong ang asawa, sa umaga ay ihahanda niya ang mga sangkap. Pagdating ng tanghali at wala na siyang klase, ay uuwi siya sa kanilang tahanan. Nilalakad lang niya iyon dahil malapit lang naman. Iluluto na niya ang mga hinanda. Matapos niyang lutuin ay magpapatulong siya sa panganay niyang anak na si Aljon na mailako ang mga paninda sa mga kapitbahay at maidala ang ilan pabalik sa iskwelahan. Matapos noon ay tuloy na siya sa natitira niyang mga iskedyul. Ang iba pa niyang paninda ay iniiwan sa mga babaeng anak na nakatatanda na sina Lalay at Mia. Itinitinda nila iyon sa tapat ng bahay nila.
Si Mang Dolfo naman ay hanggang tanghali lang ang iskedyul araw-araw sa pagtuturo. Kaya naman wala siyang sinasayang na oras at nagta-trabaho siya bilang “construction worker”. Mahirap nga lamang sa pangalawang trabaho niya, dahil hindi iyon permanente. Depende lamang ang gawa kung mayroong bakante at nangangailangan. Kaya kung wala siyang gawa sa kontraksyon ay nagtatrabaho din siya bilang isang gwardiya sa iskwelahang pinagtuturuan nila.
Ang mga anak na lalaki na sina Aljon, Badong, Ryan at Leo ay gumigising ng bandang alas-kwatro ng umaga upang maghango ng pandesal. Kanila itong inilalako at itinitinda bago pumasok sa iskwela.
Sa gabi ay tuloy pa rin ang buong mag-anak sa pagkayod. Ang mga nakatatandang anak ay tagapag-alaga ng mga nakababatang mga kapatid. Si Lalay bilang pinakamatandang babae sa magkakapatid ay inaatasang magluto ng kanilang hapunan. Nagtitinda ng balot si Aling Ana sa tapat ng kanilang bahay. Ang apat na batang lalaki ay katulong pa din sa paghahanapbuhay. Ang mga nakakatandang sina Aljon at Badong ang siyang naglalako nito.
Matapos ang pagtitinda ay magpapahinga na silang lahat. Kailangan nilang kumuha ng sapat na lakas upang sa kinabukasan ay magampanan nilang muli ang kanilang mga trabaho. Kailangan nilang ituloy-tuloy ang kanilang “routine” upang patuloy na masuportahan ang isa’t isa.
Bilang karagdagan, isang istoryang luma na rin sa mga Pilipino ang pangingibang-bansa para maghanap ng trabaho. Kadalasan, nakakakita sila ng hanapbuhay bilang nurse o kaya naman isang domestic helper.
Ayon sa itinanghal ng THE CORRESPONDENTS, may isang grupo ng mga Pilipino ang nagpupunta sa Estados Unidos upang maging guro. Siya si Leticia Quinto, isa sa libo-libong guro sa pampublikong paaralan na lumisan ng Pilipinas para magturo sa Amerika. Tulad ng mga nauna sa kanya, nakipagsapalaran si Quinto sa pag-asang sa Amerika niya makakamit ang suwerte sa buhay. Beterana na si Quinto sa larangan ng edukasyon sa kanyang 25 taon sa pagtuturo sa Pilipinas. Ngunit ngayon, nagsisimula muli siya sa nakagisnang gawain at mas pinili na lamang magturo doon upang tumaas ang kakarampot na suweldo.



IV. Epekto sa Estudyante o sa Kalidad ng Edukasyon Mula sa mga Gurong Nagsasideline ng Malayo sa Kanilang Larangan

Sa mahabang panahon, mapupuna ang palala nang palalang kondisyon ng edukasyon sa bansang Pilipinas. Isang bahagi lamang nito ang masalimuot na kondisyon sa trabaho ng mga guro, pangunahin na ang napakababang sweldo, ang kapos na mga pasilidad at iba pang kagamitang lubhang esensyal sa pagturo ng leksyon, na tuwiran siyang nakapagbababa ng antas ng edukasyon sa Kamaynilaan.
Matatandaan ang tipikal na gawi ng mga guro sa pampubliko—ang pagtitinda ng kung anu-anong bagay para madagdagan ang kakarampot na sweldo o kaya ang pagsa-sideline ng pagturo sa ibang eskwela na kalimitang hindi lehitimo. At higit sa lahat, karaniwan din ang mabigat na pasanin ng mga guro sa paghawak ng iba’t ibang kurso kahit walang matinding pagsasanay sa bawat asignatura.
Ang mga ito’y tuwirang nagkaroon ng mga negatibong epekto sa kalidad ng pagtuturo. Tila kinakapos ng inspirasyon at motibasyon ang mga pampublikong guro sa ngayon. Ang magagaling na guro ay nag-aalisan sa bansa upang maghanap na lamang ng mas malaking pagkakakitaan. Ayon kay Suarez, naiwan tuloy sa bansa ang mga hindi gaanong nasanay na mga guro. Bunsod nito, naisasalin sa mga estudyante ang hindi maipagmamalaking uri ng edukasyon.
Malaki kung iisipin ang naging epekto ng mga pampublikong guro sa antas ng kalidad ng edukasyon sa Kamaynilaan. Ang guro tulad na lamang ng estudyante ay wari’y nangangailangan nang masusing konsentrasyon sa kanilang mga gawain. Ngunit, papano nga naman uunlad sa isang aspekto ang isang tao kung dalawang bagay na sabay ang kanyang binibigyang konsentrasyon?
Ayon nga sa Bibliya, “MAN CANNOT SERVE TWO MASTERS.” Ganyan din ang prinsipyo ng Konstitusyon ng Pilipinas. Tuwirang hindi nila hinahayaang magkaroon ng dalawang trabaho ang mga opisyales ng pamahalaan. Sapagkat, maaaring ang isang bagay ay mapagtagumpayan nila, samantalang ang isa naman ay maaaring hindi.
Ang isang pampublikong guro na mayroong alternatibong mga gawain ay wari’y hindi mailalabas ang tunay nilang potensyal sa pagtuturo. Maaaring ang kanilang alternatibong mga gawain ang magsilbing hadlang sa ikalalago ng kanilang pagtuturo. Maaaring dulot ng kanilang trabaho, kakulangan sa paghahanda at pag-aaral ng leksyon ang maaaring maging bunga nito. Ayon nga kay Bb. Beverly Siy, kahit gaano kagaling ang isang tao, kung pilit mong pinagsisiksikan ang oras mo sa isang gawain, ito ay wari’y hindi mapagtatagumpayan.
Kung ganito marahil ang magiging “set-up” ng bansang Pilipinas pagdating sa edukasyon, ito’y tuwirang magbubunsod sa ligaw at kulang na hatid na kaalaman para sa mag-aaral. Ito’y maituturing na isang “liabity” para sa bansang Pilipinas; sapagkat, ang pagkakataon sa paglilinang ng iba’t ibang estudyante sa larangan ng Ingles, Matimatika, Agham, atbp. ay maaaring hindi matuunan.


V. Konklusyon at Rekomendasyon

Tunay na kaawa-awa ang kalagayan ng titser dito sa pilipinas. Masyadong silang inaalipin at hindi binibigyan ng importansya. Ang guro ay may malaking kontribusyon sa ating pagkatao. Dapat gumawa na ng ispesipikong aksyon ang gobyerno para dito, makakatulong ang bawat mamamayan na ipahayag o ipagtanggol ang mga guro pero sa huli tanging pamahalaan lamang ang makakagawa ng nararapat na aksyon. Kung susumahin, malaki talaga ang badyet ng gobyerno para sa edukasyon pero dahil sa maraming kamay na dumaraan dito, nababawasan ng nababawasan ang badyet hanggang sa magkulang ito. Naniniwala kami na ang maling sistema ang pumipigil sa ating pag-unlad kaya’t bago baguhin ang sistema, dapat simulan muna ito ng tama. Humahanga kami sa ating mga bayani na guro dahil maraming sakripisyo ang kailangang maibigay upang matugunan ang pangangailangan ng mamamayan. Katangi-tangi ang pagiging guro sapagkat mas inuuna pa nila ang magsilbi kaysa sa pansariling kapakanan, upang matulungan ang mga simpleng mamamayan na magkaroon ng magandang kinabukasan. dapat din ay mabigyan ng magandang training ang mga guro na nagsisimula magturo upang sa gayon ay hindi na sila ganun kahirap ituro ang mga asignatura at maging expertise nila ang kanilang tinuturo dahil kadalasan sa mga pampublikong paaralan, dalawa hanggang tatlong asignatura ang itinuturo ng isang titser kaya’t hindi na nagkakaroon ang guro ng kanyang sariling linya na dapat mapag-aralang mabuti. Isa ding problema ang hindi pagbigay sa mga pampublikong titsers ng magandang training kaya’t minsan mali ang naituturo nila sa mga mag-aaral at hangang sa magpasa-pasa na lang ang kaalaman sa iba-ibang tao kaya’t isa din itong dahilan ng pagbaba ng kalidad ng edukasyon.

VI. Sanggunian

• Council for Professional Recognition, 2460 16thSt. NW., Washington, DC 20009. Internet: http://www.cdacouncil.org

www.google.com

• “Titser sa Amerika”, itinanghal ng The CORRESPONDENT